Thursday, July 21, 2011

Ligo na U Lapit na Me


Anak ng Bakang Bakla!

Hindi ko aakalain mahuhuli ni Eros Atalia ang kiliti ko sa pagbabasa. May pagkakahawig sila ni Bob Ong na peyborit ko! Makwela, di magalang pero hindi nagsisinungaling. Maihahalintulad ang kanilang mga libro sa mga kending nabibili sa kalsada-mura, accessible at readable. Yung mga idyoma na ginamit ay makulay at makahulugan. Ang mga salita ay payak, pangkaraniwan, bastos pero di masagwa, nakakatuwa, makulit. Yung tipong hindi mo na kailangan pumunta ng National Library para i-research kung ano kahulugan ng salitang ginamit! Marami na kong nabasa na blog reviews tungkol sa libro nya na "Ligo na U Lapit na Me" tapos nung nalaman ko pang ginawa na itong pelikula lalo akong nacurious kaya naisipan kong bumili. Sa pagka-atat ko mabasa, nagpunta ko noon sa NBS at Powerbooks sa Shang kaya lang parehong walang stocks noon at sa malapit na bookstore samin, wala din. Napaisip ako, "Aba, mabenta ha. Puro out of stocks! Mukang maganda nga!" At kahapon lang sya napasa-kamay ko! Sa sobrang atat kong mabasa, habang naglalakad papuntang MRT gang pagbaba ko ng jeep sa kanto malapit samin ay hindi ko pa din mapigilan magbasa sa sabrang pagkaaliw ko dito. Kahit sa panonood ng TV kagabi sinasabayan ko ng pagsilip sa mga pahina ng libro, habang kumakain basa pa din at di ko na namalayan ang oras mag-aalas dose na kaya pinagpaliban ko na para ngayon. At tendenenen! "Tapos ko na!". Hindi ako nanghinayang sa P200 na ginastos ko sa librong ito!

Ang sabi sa back cover ng librong ito, “ Paano mo malalaman kung hindi ka magtatanong? Pero andami-dami nating nalalaman kahit hindi tayo nagtatanong. Paano ka pa magtatanong kung alam mo na ang sagot? Pero paano ka magtatanong kung hindi mo alam kung ano ang iyong itatanong? Paano mo sasagutin ang tanong sa iyo kung hindi mo alam ang isasagot? Paano ka sasagot kung hindi mo alam ang itatanong? (Kunsabagay sa buhay na ito, madalas tama ang sagot, mali nga lang ang tanong.)

At sa ending, bitin ako. Bitin na bitin! Para akong nanood ng sine na abangan ang Part 2. Ang dami ko tuloy naging tanong din! Ang dami dami kong tanong lalo na tungkol kay Intoy. Nakahanap na kaya siya ng trabaho? Nakalimutan na ba niya si Jen? Nakausap na ba niya si Jen? Hinanap pa ba ng mga kaklase nila si Jen sa kanya? Active na rin ba siya sa Praise the Lord ng mga magulang niya? Gaano naman kaya ang itinaba niya simula ng maging bum siya? Madalas na ba niyang maka-usap si Benson (John Lennon) sa labasan ng bahay nila? Ano naman kaya ang iba pa niyang pananaw sa ekonomiya ng Pilipinas sa punto ng nakatira sa isang Third World na subdivision? At, bakit kailangang bitinin pa ako ni Intoy sa dulo?

Nagustuhan ko ang akdang ito ni Eros Atalia dahil (para sa kin) umiikot ang tema nito sa kahalagahan ng pagsasabi ng pagmamahal sa isang tao, pag-iingat sa friends with benefits and perks (hanggang dun lang, bawal mainlove) at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng closure sa isang relasyon, anumang label nito. (At kung makapabigay ako ng review tungkol sa librong ito ay akala mong na-inlab na ang 'cornyvorous' na tulad ko! LOL!)

Ang galing ni Sir Eros Atalia kasi nadala niya ako sa ibang mundo. Ang galing ng utak nya! Napakahusay parang nakikipag-usap yung libro! Mapapasagot ka sa mga tanong nya dito at mapapatango sa mga ideya nya! Panalo ang librong ito dahil hindi ito natakot gumamit ng mga barubal na salita pero kung tutumbukin mo ay may laman!

Aabangan ko ang kasunod na kabanta nito! Peksman!

Bili na U! Dali! :) Kwentuhan Us! :)

No comments:

Post a Comment