Monday, July 25, 2011

Ang Modernong Pulubi. Bow!


Naranasan nyo na ba makasalubong ng pulubi tapos mamamalimos sa inyo at binigyan nyo ng barya? Pagkatapos mong bigyan ng barya, may maririnig ka pang "Pwedeng dagdagan?" o kaya "Kuripot naman, piso lang?" Aba choosy na sila ngayon. Kumbaga sa jeep meron na silang minimun fare! Nakakaloka! Kung ang gas nga daw araw-araw kung magtaas sila pa daw ba!

Noon, nahahabag ako pag meron akong nakikitang mga pulubing namamalimos sa mga kalsada o lansangan, sa mga paradahan ng sasakyan at sa iba't ibang lugar na maaaring maging lugar ng palimusan. Nakakalungkot na isipin na naging biktima sila ng magulong lipunan at mga tao. Ang iba sa kanila'y iniwan ng magulang, itinakwil, ipinamigay at inalisan ng karapatan na mamuhay ng may kumpletong pamilya. Marami sa kanila ang di na nakapag-aral, nakapag-asawa sa murang edad at bumuo ng pamlya sa lansangan at marami sa kanila ang nagkaron ng bisyo makatakas lang kahit panandalian sa mga kalupitang dulot ng lipunan.

Hindi ko alam kung maaawa pa ba ko sa mga pulubing nanlilimos o maiinis. Mayroon akong karanasan noon, pagbaba ko ng MRT mayroong batang lumapit sakin at humihingi ng limos eh nagkataon pagbukas ko ng bag mayroon pa pala kong biscuit kaya yun na lang ang inabot ko sa kanya kesa pera baka sa iba nya gastusin. Nagulat ako sa sinagot ng bata, "Ate, ayoko ng biscuit. Gusto ko P5!". Imbis na magpasalamat ang musmos eh nagawa pang magrequest. At mayroon din isang eksena na P2 ang naiabot ko sa bata at ang banat nya sakin eh, "Dagdagan mo Ate, P5 na lang!". Limang-piso na ba ang minimum rate ng mga pulubing nanlilimos ngayon? Nakakaloka! May iba naman na ang lakas ng katawan, pero manlilimos lang kaya nasasabihan sila ng iba na maghanap ng trabaho kaysa umasa sa limos kasi hindi naman sila baldado baka tinatamad lang o wala lang talagang diskarte sa buhay. May ibang bitbit ang anak habang nanlilimos para mas mahabag ang tao sa kanila. Nakakalungkot tingnan ang mga ganitong eksena sa kalsada. Pero nakakainis naman yung ibang bata na binigyan mo ng limos tapos makikita mo lang sumisinghot ng rugby. Yung iba abot-langit ang daing sa buhay dahil hindi alam saan kukuha ng pantustos, nagagawa pang mag-anak ng mag-anak. Ikaw na yung tumtutulong pero may ibang hindi naman ito ginagamit sa tama. May mga pulubing may gana pang magreklamo sa halagang ibinibigay sa kanila.

Naitanong ko sa aking sarili, tama ba na bigyan ko sila? Tama ba na kaawaan sila? Tama ba na mamili pa sila ng ibibigay ng mga tao? Tama ba na sa bisyo nila gastusin ang perang kanilang nilimos? Kung sa bagay, may kanya-kanya tayong pinaghuhugutang problema sa buhay. Mas naging malupit lamang sa kanila ang lipunan o maaring resulta ito ng kanilang personal na choice sa buhay. Sabi nga sa 100 days to Heaven, "Kung ano ang nangyayari sa tao, resulta ito ng kanilang choice." Sa sistema ng gobyerno natin kung saan ang mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong humihirap, siguradong mas malala at malupit ang nararanasan nilang paghihirap kaysa sa atin. Ilang mamamalimos pa ba ang isisilang sa mundo? Napakasaklap isipin na sa kabila ng buhay na ibinigay sa kanila ay ang pagdanas ng karumal-dumal na paghihirap at pasakit pero sino ba naman tayo para magreklamo, ang mahalaga ay nasilayan natin ang mundong ipinagkaloob ng Diyos at naniniwala ako na kung ano man ang sapitin ng bawat nilalang ay may dahilan. Maaaring hindi natin gusto ngunit kailangan nating tanggapin.

No comments:

Post a Comment